TATA SELO ni Rogelio Sikat

 


TATA SELO

ni Rogelio Sikat

Ang panitikan ay salamin ng buhay. Ito’y isang representasyon ng mga karanasan sa buhay ng tao sa tulong ng mga salita. Sa kuwentong ito, alamin kung anong mga pangyayari sa mga tao sa lipunan ang malinaw na pinapaksa ng may akda. Matagumpay ba itong nailahad ng may akda? Anong paraan ang ginamit niya? Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan. Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangan makalapit sa istaked. “Totoo ba, Tata Selo?” “Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.” Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao. “Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko ho mapaniwalaan.” Hinaplus-haplos ni tata Selo ang mga daliri at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nagsasalisod na alikabok. “Bakit niya babawiin ang saka?” tanong ng Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?” Hindi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan. Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at nakapamaywang habang naninigarilyo. “Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?” Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang Kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras.” Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas. “Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinapakan pagkatapos. “alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng Kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, magsasaka man lamang po. Nakikiusap po ako sa Kabesa kanina. ‘kung maaari po sana, ‘Besa’’, wika ko po, ‘kung maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako pa nama’y malakas pa.’ Ngunit…Ay! Tinungkod po niya ako nang tinungkod, Tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po ‘nyo.” Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis. “Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?” Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik. “Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis ako sa aking saka, ang wika’y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako’y tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?” “Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.” Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata. “Patay po ba?” Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat. “Pa’no po niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?” Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng dalawa upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao. Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked. “Patay po ba? Saan po ang taga?” Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas ng may-katabaang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe. “Saan po tinamaan?” “Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing ihinagod hanggang sa kanang punog tainga. “Lagas ang ngipin.”

Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw ng batuta ang mga pulis. Ipinasya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked. “Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo,” anang alkalde pagkapasok ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa. “Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot at galit na tanong ng alkalde. Matagal bago nakasagot si Tata Selo. “Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo— “Alam ko na iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde. Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. “Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.” “Saan mo tinaga ang Kabesa?” Matagal bago nakasagot si Tata Selo. “Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ Tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod.” “Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe. Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin—may mga eskribante pang nakapasok doon—ay nakatuon kay Tata Selo. Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa. “Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?” usisa ng alkalde. Hindi sumagot si Tata Selo. “Tinatanong ka anang hepe.” Lumunok si Tata Selo. “Umuwi na po si Saling, Presidente.” “Kailan?” “Kamakalawa po ng umaga.” “Di ba’t kinakatulong siya ro’n?” “Tatlong buwan na po.” “Bakit siya umuwi?” Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na napayuko siya. “May sakit po siya.” Nang sumapit ang alas-dose—inihudyat iyon ng sunod-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo—ay umalis ang alkalde upang mananghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis. “Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na nakayuko at di pa natitinag sa upuan. “Binabawi po niya ang aking saka.” Katwiran ni Tata Selo. Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata Selo. “Tinungkod po niya ako ng tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo. Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa uniporme’t kaki ng hepe. “Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod ng tinungkod…” Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis. “Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e,” sinabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe. Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng buwang iyo’y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas. “Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Don ka suguro ikukulong.” Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y natutuyong tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, naka-sandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon. “Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ito ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde. “Patayin na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang narinig si Tata Selo. Napatay ko po ang Kabesa. Patayin na rin ninyo po ako.” Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya nahipo ang rehas ngunit pinagkiskis niya ng mga palad at tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito. May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal. Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol. Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siya ng dalawang pulis. Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente. Nagyakap ang mag-ama pagkakita. “Hindi ka na sana naparito Saling,” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka, Saling, may sakit ka!” Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis. “Umuwi ka na, Saling” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi…” Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na naman siya ng mga tao. “Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi ng halata.” “Ang anak, dumating daw?” “Naki-mayor.” Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya. “Tata Selo…Tata Selo…” Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya. Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon. Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya. “Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod… Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi. Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila.

https://www.tagalogshortstories.net/rogelio-sikat---tata-selo.html

 

       I.            Pamagat: Tata Selo

Ang pamagat ay hango sa pangunahing tauhan ng kwento na isang lalaking magsasaka na nagngangalang Selo.

 

   II.            May-akda: Rogelio Sikat

Si Rogelio Sikat ay isang Pilipinong piksyonista, mandudula, tagasalinwika, at tagapagturo. Nakatanggap siya ng maraming pampanitikang premyo at isa na dito ay ang “Impeng Negro.” Ito ay nagwagi ng gantimpalang Palanca noong 1962 sa Filipino (Tagalog). Siya din ay isang propesor at dekano ng Kolehiyo ng mga Sining at mga Titik sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman mula 1991 hanggang 1994. Isa sa mga akda na kaniyang nagawa ay ang kwento na pinamagatang “Tata Selo”.

 

III.            Uri ng Akdang Pampanitikan

Ang akdang “Tata Selo” ay isang maikling kwento.

 

 IV.            Nilalaman

a.     Tauhan

Tata Selo- isang magsasaka at biyudo na may anak na babae. Ikinulong dahil tinaga ang Kabesa.

 

Presidente o Alkalde- isang lalaking nakabihis pangmayaman at may makintab na sapatos.

 

Kabesang Tano- may-ari ng lupa na sinasakahan ni Tata Selo.

 

Binata- isang lalaking mataas, maputi, naksalamin na may kulay at anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque.

 

Saling- isang batang babae na maglalabimpitong taong gulang na anak ni Tata Selo at ulila sa ina. Namamasukan sa tahanan ng kabesa.

 

Hepe: isang malaking lalaki na namumuno sa pulisya ng San Roque.

 

Batang magbubukid- bumisita kay Tata Selo sa kulungan.

 

b.     Tagpuan

Ang maikling kwento ay nangyari sa iskated ng munisipyo ng San Roque.

 

c.      Balangkas

Ang kuwento ay nagsimula sa munisipyo dahil nagkakagulo ang mga tao sa kanilang nabalitaan na tinaga at napatay si Kabesang Tano. Ang bawat isa ay naghahangad na makalapit sa iskated dahil nasa likod nito si Tata Selo. Ang lahat ay hindi makapaniwala sa nagawa ng magsasaka na patayin ang kabesa. Lumapit sa kaniya ang binatang mayamang anak ng propitaryo sa San Roque at ikinuwento niya dito ang ginawang pagpapalayas sa kaniya ng Kabesa. Ngunit ayon sa binata ay hindi ito sapat na katwiran upang tagain ang Kabesa. Ilang beses na kinuwento ng magsasaka kung paano siya paluin ng tungkod ni Kabesang Tano ngunit tinalikuran lamang siya ng binata. Isang binatang magbubukid ang nakausap muli ni Tata Selo at muli niyang ikinuwento ang ginawa sa kaniya ng kabesa. Hindi katulad ng naging tugon ng mayamang binate bagkus naunawaan siya nito. Sa kabilang banda ay kinamusta ng binata ang maaaring sapitin ng kaniyang anak na babae na si Saling sa halip na punahin ang kamaliang nagawa ng matanda.  Kinausap siya ng Alkalde ng kanilang bayan at muli niyang kinuwento ang mga nangyari. Hindi pa man tapos magpaliwanag ang magsasaka ay sinabi na niya dito na siya ay makukulong. Nakausap din niya ang hepe ng mga pulis na kung saan ay sinikmuraan siya nito. Walang awa siya nitong pinagmalupitan sa harap ng dalawa pang pulis.

Kinabukasan ay ibinalita ng Alkalde kay Tata Selo na maaaring ilipat siya sa kabisera ay mapapatawan ng habang buhay na pagkakakulong. Ngunit hiniling na lamang ni Tata Selo na siya ay patayin kabayaran sa kaniyang nagawa. Nang araw din na iyon ay binisita siya ng kaniyang anak na si Saling na dating nanininilbihan sa tahanan ng Kabesa. Ngunit sinabi niya dito na umuwi na lamang dahil may sakit ito pero sinuway siya nito at pinuntahan nito ang Alkalde dahil pinatawag ito. Muling bumisita ang binatang magbubukid at nakisuyo si Tata Selo na puntahan ang kaniyang anak sa tanggapan ng Alkalde upang yayain na itong umuwi. Bigong bumalik ang binate dahil hindi ito pinapasok sa loob ng tanggapan ng Alkalde. Wala nang nasabi si Tata Selo tungkol dito at paulit ulit na lamang niya sinasambit na lahat na lamang ay kinuha sa kanila.

 

    V.            Taglay na Bisa

Bisa ng Damdamin

Sobrang nakakalungkot ang mga pangyayari sa kwento sapagkat ipinakita dito ang kalupitan ng lipunang ating ginagalawan. Nakakagigil ang ilan sa mga tauhan sapagkat hindi man lang nila pinakinggan ang panig ni Tata Selo. Sa halip na pakinggan at unawain ang sitwasyon ay inabuso pa siya. Maraming mga hirap sa buhay ang hindi man lang pinapakinggan ang mga hinaing sapagkat mas pinapanigan ng mga nasa katungkulan ay yung mga taong mas nakaka-angat sa buhay.

 

Bisa ng Kaisipan

Ang kawalan ng pagkamit sa hustisya partikular ng mga mahihirap ay umiiral sa kwento. Makikita dito na kapag ang isang tao ay mula sa mahirap na pamilya ay nawawalan ng karapatan na ipaglaban ang kaniyang hinaing. Mas pinapanigan ang mga taong mayaman.

 

Bisa ng Asal

Ipinakita dito ang iba’t-ibang pag-uugali ng tao sa lipunan. May mga taong nakausap at bumisita kay Tata Selo, may mga taong maisyosyo at may mga tao din na walaang pakealam sa panig niya. Ipinapakita dito na ang mga taong mayaman ay siyang mga walang respeto at ginagamit ang kapangyarihan sa mali. Samantalang ang mga taong nasa laylayan na siyang mas nakakaunawa at hindi man lang pinapakinggan. Nakakalungkot lamang dahil sa halip na ang mga taong may kakayahan na tumulong at unawain ang sitwasyon ng isang mahirap ay siya pang mang-aabuso at paglulupitan ang mga taong nasa laylayan.

 

 VI.            Kamalayang Panlipunan

Ang mga pangyayari sa kwento ay dapat makadagdag sa kamalayan ng mga tao sa kasalukuyan. Alam ko na may mga ganito pang kaganapan lalo na sa panahon ngayon. Hindi dapat basehan ang edad sa kakayahan ng isang tao at hindi dapat pinagkakait sa isang tao lalo na sa mga mahihirap ang karapatan nilang magtrabaho dahil alam natin na ang bawat pawis at hirap nila ay para sa kanilang pamilya. Ang pagkamit ng hustisya ay dapat pantay-pantay. Mahirap man o mayaman ay dapat pantay ang paghatol at pakinggan ang panig ng bawat isa upang makamit ang tamang hustisya.


Mga Komento

Kilalang Mga Post