MABANGIS NA LUNGSOD ni Efren Abueg
MABANGIS NA LUNGSOD
ni Efren Abueg
Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab. Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabin-dalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kaniya kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at mabawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong. Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad. Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kanina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kaniyang mga bisig sa wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kaniyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na gumagapang sa kaniyang katawan. “Mama... Ale, palimos na po.” Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang bahala, ang hakbang ay napapahalaga ng pagmamadali ng pag-iwas. “Palimos na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!” Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kaniya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kaniyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan. At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghindi sa kaniya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas. “May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay. At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilalanday niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kaniyang bulsa, ngunit kailan man ay hindi nakarating sa kaniyang bituka. “Maawa na po kayo, Mama, Ale, gutom na gutom na ako!” Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan. Ang kampana ay tumutugtog sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kaniyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kaniyang kinaroroonan. “Malapit nang dumating si Bruno...” ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaring makarinig. Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kaniyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kaniyang mga laman at nagpapantindig sa kaniyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kaniyang harap ang mga taon malamig, walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kaniyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kaniyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kaniya na gumawa ng isang marahas na bagay. Ilang barya ang nalaglag sa kaniyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga barya sa kaniyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kaniyang palad. At sa kaabalahan niya’y hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng nagmamadaling pag-iwas. “Adong... ayun na si Bruno” narinig niyang wika ni Aling Ebeng. Tinanaw ni Adong ang ininguso sa kaniya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kaniyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kaniyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kanina pa ay mamamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kaniyang palad ang mga baryang napagpalimusan. “Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang sinabi sa matanda. “Ano? Naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!” Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglalakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kaniyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula’t pa’y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa kaniyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing. “Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag. Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kaniya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kaniyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kaniyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at kabangisan. “Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!” Naisigaw na lamang ni Adong. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kaniya.
http://filipinoeinsteinirakhads.blogspot.com/2013/02/mabangis-na-lungsod-ni-efren-r-abueg.html#comment-form
I. Pamagat: Mabangis na Lungsod
Ang kwento ay pinamagatang “Mabangis na Lungsod” sapagkat ipinakita dito at inilarawan kung ano ang mga kaganapan sa Quiapo. Sa kabila ng mga magagandang pailaw ay may nagkukubling madilim na pangyayari na naranasan ng isang batang pulubi na si Adong.
I. May-akda: Efren R. Abueg
Si Efren R. Abueg ay kinikilala bilang isang nobelista, kuwentista, mananaysay, at kritiko. Ang Bugso ay ang kauna-unahang niyang koleksiyon ng mga kuwento. Siya ang editor at bumuo ng antolohiyang gaya ng Mga Piling Akda ng KADIPAN noong 1964; Mga Agos ng Disyerto (edisyong 1965, 1974, at 1973); MANUNULAT: Mga Piling Akdang Pilipino (1970) at Parnasong Tagalog ni Alejandro G. Abadilla (1973). Si Efren R. Abueg ay humakot ng iba’t ibang parangal tulad ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (1959, 1960, 1963, 1964, 1967, at 1974); Timpalak ng KADIPAN, unang gantimpala (1957); Pang-alaalang Gawad Balagtas (1969); Timpalak Pilipino Free Press (1969); Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas (1992) mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL); Timpalak Liwayway sa Nobela (1964, 1965, at 1967).
Siya ay sumulat at naging tagapatnugot ng maraming mga sangguniang aklat. Ito ay ginagamit hanggang sa kasalukuyan sa mga pribado at publikong paaralan, mula elementarya, sekondarya hanggang kolehiyo. Siya ay aktibong nakilahok sa mga kilusan hinggil sa pagtuturo ng wika at panitikan. Ang mga paaralan na ito ay ang Manuel L. Quezon University (1965-1972), Philippine College of Commerce (1971-1972), Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (1974-1977), Ateneo de Manila University (1977-1978), at De La Salle University (1979-2006). Siya rin ay naging pangulo ng Kapisanan ng mga Propesor sa Pilipino (KAPPIL) noong 1986-1988; Linangan ng Literatura ng Pilipinas; at nahalal bilang director ng Philippine Folklore Society.
Isa sa mga akda na kaniyang nagawa ay ang Mabangis na Lungsod.
II. Uri ng Akdang Pampanitikan:
Ang akdang “Mabangis na Lungsod” ay isang maikling kwento.
III. Nilalaman
a. Tauhan
Adong- isang lalabindaladawahing taong gulang na bata na namamalimos sa loob ng bakuran ng simbahan sa Quiapo.
Aling Ebeng- isang matandang pilay sa dakong liwasan ng simbahan.
Bruno- isang lalaking siga na may malapad na katawan na kung saan ay kinakatakutan ni Adong na siyang kumukuha ng baryang nalilimos.
b. Tagpuan
Ang kuwento ay nangyari sa simbahan ng Quiapo.
c. Balangkas
Isang araw sa simbahan ng Quiapo ay may isang batang namamalimos na nagngangalang Adong. Sa mura niyang edad ay may mga bagay lamang ang may kabuluhan, ito ay ang alisin ang mga nagtatayugang mga gusali, mga bagong lagusan sa ilalim ng lupa, mga tindahang mailaw hanggang sa mga huling oras ng gabi at mabawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon. Ilang mga pulubi ang naroroon at umaasang mabigyan ng konting barya mula sa mga taong nagsisimba sa Quiapo. At isa na doon si Adong. Hindi siya tumitigil sa pamamalimos kahit na ngalay na ang kaniyang mga bisig. Hindi alintana ang pagkalam ng kaniyang sikmura dahil mula tanghali ay naroroon na siya sa loob ng bakuran ng simbahan upang mamalimos. Sa kabila ng mga mukhang malalamig na parang bato, mga hakbang na wari’y nagmamadali na umiwas at mga imbay ng kamay na nagpapahiwatig ng pagsasawalang bahala ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Mga taong makikita mo ang pag-irap ng mga mata, pag-iwas na animoy nandidiri at pagkasuklam sa mga pulubi. Ang kaniyang mga daing ay nagmimistulang walang halaga sa mga taong dumadaan sa kaniyang harapan. May isang taong na nagsasabi sa kaniya na ang lahat ng kaniyang pinapanlimos ay para lamang may maisugal ang magulang at ito ay si Aling Ebeng. Araw-araw siyang napapaiyak at nasasaktan ngunit hindi niya ito pinapakita sa kahit kanino.
Narinig ni Adong ang pagtugtog ng kampana na nagpapahiwatig na tapos na ang misa at saglit na sandal ay nakita na niya ang mga tao na nagmamadaling lumabas ng simbahan. Minabuti niyang ilahad ang kaniyang mga palad at nagsusumamo sa mga taong dumadaan na bigyan siya ng konting barya. Narinig niya ang sinabi ni Aling Ebeng na malapit na dumating si Bruno na siyang sig ana kumukuha ng mga barya na nalilimos ng mga pulubi gaya niya. Siya ay nakaramdam ng masidhing kilabot at unti-unting tumindig ang kaniyang mga balahibo. Hanggang sa ilang barya ang nalaglag sa kaniyang mga palad at dali dali niya itong nilagay sa kaniyang bulsa. Ilang sandal ay narinig niya si Aling Ebeng na nagsasabing nandiyan na si Bruno at Nakita nga niya ang inginuso ni Aling Ebeng. Napahawak siya sa mga baryang nasa kaniyang bulsa at mahigpit niya itong kinulong sa kaniyang mga palad. Siya ay nag-umpisa ng lumakad ng marahan at nang nasa may likod na siya ng simbahan ay pumulas na siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga sasakyan at sumiksik sa kakapalan ng taong kaniyang nasasalubong sa paglalakad at napunta siya sa isang iskinita. Sumandal siya sa isang poste at dinama ang mga barya sa kaniyang bulsa at pinakalansing. Ilang saglit lang ay narinig niya ang boses ni Bruno at mga yabag nito. Ibig niyang tumakas ngunit mabilis siyang nahawakan ni Bruno. Siya ay nagpupumiglas ngunit naramdaman niya ang mga palad nito. Siya ay natulig, nahilo at ilang sandali lamang ay hindi na niya naramdaman ang kalupitan ni Bruno.
IV. Taglay na Bisa
Bisa ng Damdamin
Si Adong ay nakakaawa at lubhang nakakalungkot ang nangyayari sa kaniya dahil nakakatanggap siya ng mga panghuhusga mula sa mga taong hindi naman siya kilala. Sa murang edad niya ay nakakaranas siya ng hirap at tumayo sa sariling paa. Ang mga naranasan ni Adong sa kwento ay lubhang may kirot sa puso. Ninanais ng may-akda sa mga mambabasa na huwag tayong basta basta manghusga o manlamang ng ibang tao lalo na ang mga taong walang wala sa buhay dahil hindi natin alam ang sitwasyon nila. Kaya sa halip na manlamang sa mga taong kagaya ni Adong at tumulong na lamang tayo.
Bisa ng Kaisipan
Ang kwento ay naglalayong pumukaw ng isipan na kung saan ay nagbibigay ng kaalaman sa bawat mambabasa hinggil sa kung anong klase ng pamumuhay kagaya ni Adong. Isinaad dito na kahit saan man lugar ay hindi nawawala ang paglalamang sa kapwa na kadalasan ay dinadaan sa dahas. Ipinakita dito na ang pinaghirapan ng isang mahina ay napupunta sa mas nakakaangat dahil sa lakas at kapangyarihan nito. Kaya nais ng may-akda na malaman natin kung paano dapat irespeto ang sitwasyon ng bawat isa at tulungan ang mga taong alam natin na walang wala sa buhay.
Bisa ng Asal
Hatid ng kuwento na itama ang kaasalan na kawalan ng pakialam at panlalamang sa kapwa. Hindi natin alam ang sitwasyon ng bawat isa kaya dapat palagi natin ilagay ang ating sarili sa kanila upang ating maunawaan ang kanilang kalagayan. Alisin natin sa ugali natin ang panghuhusga base lamang sa nakikita bagkus ay alamin muna natin ang kanilang kalagayan at irespeto ito. Hindi masamang maging mabuting tao, ang masama ay ang manlamang sa kapwa tao.
V. Kamalayang Panlipunan
Hindi na bago sa ating lipunan ang mga pangyayari sa kwento. Marami ang mga taong patuloy na naghihirap at marami ang mas nakakaangat. Maraming tao ang gumagamit ng dahas at kapangyarihan upang malamangan ang mga simpleng taong naghihirap upang makaahon sa buhay.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento