SANDAANG DAMIT ni Fanny Garcia


 
SANDAANG DAMIT
ni Fanny Garcia

    May isang batang mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kaniyang pagiging walang-imik. Malimit siyang nag-iisa. Laging nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Laging nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro. Halos paanas pa kung magsalita. Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang natuklasang kaiba ang kaniyang kalagayan sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kaniya. Mayayaman sila, magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Malimit nila siyang tuksuhin sapagkat ang kaniyang damit, kahit nga malinis, ay halatang luma na, palibhasa’y kupasin at punung-puno ng sulsi. Ilarawan ang pisikal at emosyunal na kalagayan ng batang babae. Kapag oras na ng kainan at labasan na ng kani-kanilang pagkain, halos ayaw niyang ilitaw ang kaniyang baon. Itatago niya sa kandungan ang kaniyang pagkain, pipiraso ng pakonti-konti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase ang kaniyang dalang pagkain. Sa sulok ng kaniyang mata ay masusulyapan niya ang mga pagkaing nakadispley sa ibabaw ng pupitre ng mga kaklase: mansanas, sandwiches, kending may iba-ibang hugis at kulay na pambalot na palara. Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagwawakas sa kaniyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kaniyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nilang ang kaniyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman. Kaya lumayo siya sa kanila. Naging walang kibo. Mapag-isa. Ang nangyayaring ito’y hindi naman lingid sa kaniyang ina. Sa bahay ay di minsan o makalawa siyang umuuwing umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase, at siya’y magsusumbong. Mapapakagat-labi ang kaniyang ina, matagal itong hindi makakakibo, at sabay haplos nito sa kaniyang buhok at paalong sasabihin sa kaniya, hayaan mo sila anak, huwag mo silang pansinin, hamo, kapag nakakuha ng maraming pera ang iyong ama, makakapagbaon ka na rin ng masasarap na pagkain, mabibili na rin kita ng maraming damit. At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama’y hindi pa rin nakapag-uwi ng maraming pera kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ngunit ang bata’y unti-unting nakaunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya umuuwing umiiyak. Hindi na siya nagsusumbong sa kaniyang ina. Sa kaniyang pagiging tahimik ay ipinalalagay ng kaniyang mga kaklase na siya’y kanilang talun-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pambubuska. Lumang damit. Di masarap na pagkain. Mahirap. Isinalaksak nila sa kaniyang isip. Hanggang isang araw ay natuto siyang lumaban. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang nagkatinig ang mahirap na batang babaeng laging kupasin, puno ng sulsi, at luma ang damit, ang batang laging kakaunti ang baong pagkain. Yao’y isa na naman sanang pagkakataong walang magawa ang kaniyang mga kaklase at siya na naman ang kanilang tinutukso. “Alam n’yo,” aniya sa malakas at nagmamalaking tinig, “ako’y may sandaang damit sa bahay.” Nagkatinginan ang kaniyang mga kaklase, hindi sila makapaniwala. “Kung totoo ya’y ba’t lagi na lang luma ang suot mo?” Mabilis ang naging tugon niya, “Dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.” “Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa’min para kami maniwala!” Iisang tinig na sabi nila sa batang mahirap. “Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto n’yo’y sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may laso o bulaklak.” At nagsimula na nga siyang maglarawan ng kaniyang mga damit. Ayon sa kaniya’y may damit siya para sa iba-ibang okasyon. May damit siyang pambahay, pantulog, pampaaralan, pansimbahan, at iba pa. Naging mahaba ang kaniyang pagkukuwento. Paano’y inilarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kaniyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pandalo niya sa pagtitipon. Makintab na rosas ang tela nito na sinabugan ng pinaggupit-gupit na mumunting bulaklak at makikislap na rosas at puting abaloryo. Bolga ang manggas. May tig-isang malaking laso sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya’y ang kaniyang dilaw na pantulog na may prutas sa kuwelyo, manggas, at laylayan. O ang kaniyang putting pansimba na may malapad na sinturon at malalaking bulsa. Mula noo’y naging kaibigan niya ang mga kaklase. Ngayo’y siya ang nagging tagapagsalita at sila naman ang kaniyang tagapakinig. Lahat sila’y natutuwa sa kaniyang kuwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kaniyang pagkamahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy rin ang kaniyang pamamayat kahit ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich, isa o dalawang kendi. Ngunit isang araw ay hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaeng may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw. At nang sumunod pa. At pagkaraan ng isang linggong hindi niya pagpasok ay nabahala ang kaniyang mga kaklase at guro. Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal na lumiban sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan. Sumungaw ang isang babaeng payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Pinatuloy sila at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa anumang marangyang kasangkapan. At sa isang sulok ay isang lumang teheras at doon nakaratay ang batang babaeng may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunang-pansin kundi ang mga papel na maayos na maayos na nakahanay at nakadikit sa dingding na kinasasandigan ng teheras. Lumapit sila sa sulok na yaon at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay ang drowing ng bawat isa sa kaniyang sandaang damit. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kaniyang naikuwento. Totoo’t naroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pandalo sa pagtitipon. Naroon din ang drowing ng kaniyang pantulog, ang kaniyang pansimba, ang sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kaniya’y nakatago’t iniingatan niya sa bahay. Sandaang damit na pawang iginuhit lamang.

https://www.studocu.com/ph/document/the-national-teachers-college/secondary-education/sandaang-damit-ni-fanny-a-garcia-maikling-kuwento/19328894


I.                               Uri ng Kwento: Kwento ng Tauhan

II.                            Pamagat: Sandaang Damit

III.                         Nilalaman

a.                  Tauhan

Batang Babae- isang batang mahirap at walang imik na kung saan ay pangunahing tauhan sa kwento. Palaging tinutukso ng mga kaklase

Mga Kaklase- mga nanunukso sa batang babae.

Mga Magulang- mapagmahal, maalaga at responsible

 

b.                  Tagpuan

Paaralan

Bahay ng batang babae

 

c.                  Banghay (Pangunahing Pangyayari, Pasidhi o Pataas na Pangyayari, Karurukan/Kasukdulan, Kakalasan at Wakas)

 

Pangunahing Pangyayari- May isang batang babae na mahirap, walang imik, mahiyain at palaging nag iisa. Madalas na tinutukso ng mga kaklase sa kadahilanan na paulit ulit ang mga damit at kapirasong tinapay lamang ang kaniyang baon.

 

Pasidhi o Pataas na Pangyayari- Habang lumilipas ang mga araw ay unti unti na niyang nauunawaan ang kalagayan ng kaniyang pamilya. Hindi na niya ninais na sabihin sa kaniyang ina ang panunuksong ginagawa ng kaniyang mga kaklase sa kaniya bagkus sinarili na lamang niya ito.

 

 

 

Karurukan/Kasukdulan-  Natutong lumaban ang batang babae at sinabi niya na mayroon siyang sandaang damit sa kanilang bahay. Ngunit hindi naniniwala ang kaniyang mga kaklase kaya minabuti niya na ilarawan isa isa ang sandaang damit niya.

 

Kakalasan- Naging kaibigan niya ang kaniyang mga kaklase dahil sa paniniwala na mayroon siyang sandaang damit sa kanilang bahay. Nang dahil dito, palagi na siyang binibigyan ng baon at nawala na ang kaniyang pagiging mahiyain.

 

Wakas- Isang linggo na hindi nakapasok sa klase ang batang babae. Minabuti na bisitahin nila ito sa kanilang bahay dahil lubos na nag-alala ang kaniyang guro at mga kaklase. Nakapukaw sa kanilang pansin ang mga papel na nakadikit sa pader ng bahay ng batang babae at napagtanto nila na ito ay ang sandaang damit na pawang drowing lamang.

 

 

IV.                          Taglay na Bisa (Damdamin, Kaisipan, Asal)

 

Bisa ng Damdamin- Ako ay lubos na nalungkot sa kadahilanang napilitang magsinungaling ng batang babae para lamang tigilan siyang tuksuhin ng kaniyang mga kaklase. Sa kabilang banda ay humanga ako sa kaniyang katatagan sa buhay sa kabila ng kahirapan ng kanilang buhay.

 

Bisa ng Kaisipan- tumatak sa aking isipan na dapat pahalagahan, ingatan at makuntento ako sa kung anong mayroon ako. Hindi natin kailangan na makipagsabayan sa kung ano ang nauuso o dikta ng mundo. Huwag natin baguhin kung ano at sino tayo para lamang magustuhan ng ibang tao sapagkat mas mabuti na ipakita natin ang tunay nating pagkatao at magkakaroon tayo ng tunay na kaibigan na tanggap tayo.

 

Bisa ng Asal- kumintal sa aking isipan na huwag nating husgahan ang ibang tao sa kung ano ang nakikita natin sa kanila bagkus tayong lahat ay may kaniya kaniyang pinagdaraanan sa buhay. Kaya, sa halip na husgahan o tuksuhin natin ang iba mas mainam na maging maayos ang pakikitungo natin at maging mabuting tao sa kanila.

 

IV.                          Kamalayang Panlipunan

    Alam natin na hindi na bago ang diskriminasyon sa lipunan. May mga tao na mas nauuna pang humusga kaysa alamin ang totoo. Ngunit mali ito sapagkat hindi natin alam kung ano pinagdaraanan ng bawat isa kaya iwasan natin husgahan ang panlabas na katayuan ng iba. Maging kuntento  at pahalagahan kung ano ang meron at huwag maghangad ng sobra-sobra.


Mga Komento

Kilalang Mga Post